Sundalo, Sugatan Matapos Barilin ng Pulis!

983

*Ilagan City, Isabela- *Sugatan ang isang sundalo matapos na paputukan ng baril ng isang pulis partikular sa harap ng kainan sa Brgy. Alibagu, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang biktimang sundalo na si Corporal Richard Limon, 32 anyos, may-asawa, residente ng Brgy. Pilar, City of Ilagan, Isabela habang ang suspek ay kinilalang si PSSgt. Glenmark Geronimo, 32 anyos, may-asawa, nakatalaga sa 1st Isabela Provincial Force Mobile Company at residente naman ng Brgy. San Vicente, City of Ilagan, Isabela.


Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad na habang ipinaparada ng suspek ang sasakyan nito sa parking lot ay binusinahan ito ng maraming beses ng nakasunod sa likod na sasakyan ng biktima.

Dahil dito, agad na bumaba sa sasakyan ang pulis at kinompronta ang sundalo hanggang sa nagkaroon ang mga ito ng matinding pagtatalo.

Naglabas ng baril ang suspek at ipinutok ng dalawang beses sa biktima na agad namang dinala sa pagamutan para sa kanyang karampatang lunas.

Kusa namang sumuko sa Ilagan City Police Station ang suspek at itinurn-over ang baril na ginamit sa pamamaril.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong Frustrated Homicide na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments

From Advertisers