Sundalong nabulag sa isang operasyon, itinaas ni PBBM sa ranggong major

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paggawad ng ranggong Major kay Philippine Army Officer Jerome Jacuba sa Camp Aguinaldo kasabay ng pagdiriwang ng ika-90 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Si Jacuba ang sundalong nabulag matapos sumabog ang isang improvised explosive device o IED malapit sa kanyang puwesto habang nasa clearing operation sa Maguindanao noong 2016.

Sa kabila ng matinding pinsala, kinilala ng pamahalaan ang kanyang serbisyo at sakripisyo sa bansa.

Huling araw na sana ni Jacuba sa serbisyo nitong Nobyembre pero iniutos ni Pangulong Marcos ang reinstatement nito at ang pagrepaso sa conflict disability discharge policy bilang bahagi ng pagtitiyak na hindi napapabayaan ang mga sundalong nasugatan habang ginagampanan ang tungkulin.

Ang promosyon kay Major Jacuba ay simbolo ng pagkilala sa tapang, dangal, at patuloy na paglilingkod ng mga sundalong handang magsakripisyo para sa bayan.

Facebook Comments