Sundalong Nanutok ng Baril sa Isang Drayber, Arestado!

254

Santiago City, Isabela- Ibang tao ang nahabol at natutukan ng baril ng isang sundalo dakong alas kuwatro ng umaga kahapon Pebrero 21, 2018 sa Brgy. Divisoria, Santiago City, Isabela.

Nakilala ang sundalo na si SSGT Rex Cauilan, 36 taong gulang, may-asawa at residente ng Paddad, Alicia, Isabela samantalang nakilala naman ang biktimang drayber na si Jeffrey Dela Cruz, 32 anyos, may-asawa at residente ng Rizal, Santiago City.


Sa impormasyong ibinahagi ni PCI Rolando Gatan ng PNP Station 1 Santiago City, magkasalungat umanong binabaybay ang lansangan nina Cauilan lulan ang kanyang Toyota Corolla at sa minamanehong Elf ni Dela Cruz nang maramdaman umano ni Cauilan na may sumagi sa kanyang sasakyan kaya’t nag U-turn ito at hinabol ang minamaneho ni Dela Cruz.

Ipinuwesto umano ni Cauilan ang kanyang sasakyan sa unahan ni Dela Cruz at agad itong nilapitan ni Cauilan kasabay ng kanyang pagtutok ng Cal 45 sa ulo ni Dela Cruz na pinaghinalaang siya umano ang nakasagi sa kanyang sasakyan.

Agad umanong tumawag si Dela Cruz sa kanyang manager upang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng sundalo.

Sa pagsisiyasat umano ng pulisya, ay ibang drayber at sasakyan ang hinabol ng sundalo base na rin sa nakitang ebidensya na walang bakas ng gasgas ang minamanehong sasakyan ni Dela Cruz at napag-alaman ding positibo sa alak ang sundalo.




Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10951 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si Cauilan samantalang ang isa pang kasong Grave Threat na haharapin sana ng sundalo ay iniurong na ng biktima na ayon sa biktima ay upang wala na siyang iisiping problema at hindi na rin maapektuhan ang kanyang trabaho.

Facebook Comments