SUNOD-SUNOD NA PAG-ARESTO SA MGA WANTED SA PANGASINAN, ISINAGAWA SA LOOB NG ISANG UMAGA

Apat na indibidwal na pinaghahanap ng batas ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Pangasinan, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted persons.

Unang naaresto ng Urdaneta City Police Station ang isang 39-anyos na lalaki, sa bisa ng bench warrant kaugnay ng kasong estafa, na may nakatakdang piyansang ₱18,000. Matapos ang operasyon, agad siyang dinala at ikinulong sa kustodiya ng kapulisan

Makalipas ang ilang minuto, muling nakapagtala ng pag-aresto sa Urdaneta City ang pinagsanib na pwersa ng RMFB1 at iba pang ahensya. Ang suspek, isang driver na kasalukuyang naninirahan sa Malasiqui, Pangasinan, ay inaresto dahil sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide. May itinakdang piyansang ₱60,000 para sa nasabing kaso.

Matagumpay na naaresto ng Binmaley Municipal Police Station ang isang 61-anyos na retiradong lalaki batay sa warrant of arrest para sa kasong Falsification of Public Document. Ang itinakdang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan ay ₱36,000. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na siya ng kapulisan para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, isang 46-anyos na truck driver na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide with Failure to Lend Help, ang naaresto sa Sta. Barbara na may kaukulang piyansang ₱60,000.

Ayon sa pulisya, ang serye ng mga pag-arestong ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng kapulisan na maipatupad ang umiiral na mga warrant of arrest at mapanagot ang mga indibidwal na may nakabinbing kaso sa batas. Patuloy pa rin ang panawagan ng awtoridad sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments