Nag-iimbestiga na ang Commission on Human Rights o CHR sa mga pagpatay sa mga miyembro ng militanteng grupo sa Bicol Region.
Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, nag-deploy na ng quick response team ang CHR Region 5 para sa imbestigasyon at pag-monitor sa kaso.
Noong June 15, unang pinaslang sa Sorsogon ang dalawang staff ng grupong Karapatan na sina Ryan Hubilla at Nelly Bagalasa.
Nasundan pa ito ng isa pang pagpatay kahapon sa dating Bayan spokesperson, Neptali Morada habang papasok sa kanyang trabaho sa Naga City.
Aniya, nakakabahala na umano ang mga pag-atake sa mga activist groups lalo na sa mga lugar na dumadami ang presensya ng militar.
Nabatid na ang grupong Karapatan ay una nang isinailalim sa periodic surveillance ng government security forces.
Sabi pa ni Atty. de Guia, ang mga pagpaslang aniya ay nagpapatuloy subalit walang pro-active actions na ginagawa para protektahan ang mga human rights activists mula sa mga pag-atake.
Umaasa ang CHR na maisabatas na ang Human Rights Defenders Protection Bill sa pagbubukas ng 18th Congress na siyang uusig sa mga taong nagkasala sa mga human rights defenders.