May malalim na imbestigasyon na ngayong ginagawa ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa nangyaring sunod-sunod na biolenteng pagkamatay ng apat na tauhan ng Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay PNP Chief PGen. Dionardo Carlos, gumagawa ng case analysis ang mga imbestigador upang matukoy kung may kaugnayan ang pagkakapatay sa 4 na biktima.
Ang pinakahuling biktima ay si Gil Manalapas, IT Operator ng BOC, na binaril at napatay sa harapan ng kanyang bahay.
Ayon kay General Carlos, posibleng hindi ito isolated incident dahil dalawang BOC employees ang tinambangan at napatay noong Disyembre, at isa rin ang namatay sa pamamaril nitong nakaraang buwan.
Sinabi ni Carlos, na hawak ng PNP ang CCTV footage ng apat na insidente at pinag-aaralan nila kung pare-pareho ang style ng pamamaslang sa mga biktima.