Sunog na pick-up sa Isabela, Posibleng ugnay sa sinunog na VCM!

San Isidro, Isabela – Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa ginawang pagsunog ng hindi pa nakikilalang suspek sa isang SUV Pick-up sa Brgy. Quezon, San Isidro, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, pasado alas dose ng tanghali nang sunugin ang isang SUV Pick-up partikular sa bakanteng lote ng nasabing lugar.

Napalibutan ng mga punong Kawayan ang sinunog na sasakyan at mukhang itinago talaga ang pagsunog rito.


Matatandaan na pasado alas sais kaninang umaga ng sunugin ng hindi pa nakikilalang salarin ang isang Vote Counting Machine (VCM) at mga balota sa Brgy. Sta. Isabel, Jones, Isabela at pagkarekober rin ng mga otoridad ng mga parte ng sasakyan gaya ng side mirror sa mismong pinangyarihan ng insidente.

Maaari rin na ang mga narekober sa bayan ng Jones na parte ng mga sasakyan ay posible na dating nakakabit sa SUV na nasunog dahil sa kapansin-pansin sa nasunog na sasakyan ang mga natanggal na parte nito.

Samantala, gumagawa na ng paraan ang bayan ng Jones upang maituloy ang proklamasyon ng mga nanalo sa halalan 2019.

Ito anya ay matatagalan dahil kailangan pa ng resolusyon na manggagaling sa tanggapan ng COMELEC.

Magsasagawa na rin ng hot pursuit operation ang PNP katuwang ng AFP at bubuo rin sila ng special investigation para tumulong sa pagsisiyasat.


Facebook Comments