Sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila, inabot ng halos 10 oras bago naapula

Courtesy: Manila DRRM Office

Tinatayang 30 bahay ang tinupok ng apoy sa nangyaring sunog sa residential area sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila na tumagal ng halos sampung oras.

Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-3:49 ng hapon nang magsimula ang sunog na umabot ang alarma sa Task Force Alpha.

Idineklara namang fire out ang sunog kanina lamang ala-1:07 ng madaling araw.


Nabatid na pahirapan ang mga bumbero sa pag-apula sa apoy dahil hindi agad makapasok sa lugar lalo na’t makipot ang daraanan.

Apektado sa nabanggit na sunog ang 500 pamilya o mahigit isanlibong katao kung saan nagkakahalaga naman ng mahigit isang milyong piso ang pinsala.

Ayon pa sa BFP, tatlong bata at isang buntis ang kabilang sa mga nasugatan sa Pier 2 at Pier 4 dahil sa nasabing sunog.

Iniimbestigahan pa ng BFP ang tunay na dahilan ng sunog habang nananatili sa Del Pan covered court ang mga pamilyang nawalan ng tahanan at nagpaabot na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Maynila.

Facebook Comments