Suot ng mga mambabatas na dadalo sa SONA, simple at tradisyunal

Simple at tradisyunal.

Ito ang nagmistulang tema ng kasuotan ng mga mambabatas na dumalo sa pagbubukas ng 19th Congress ngayong araw, ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa Senado, agaw-pansin ang suot na terno ni Senator Loren Legarda na dalawang dekada na ang tanda.


Modern baro’t saya naman ang suot ni Senator Risa Hontiveros na gawa sa Aklan piña at hinabi sa Lumban, Laguna.

Pinartneran ito ng senadora ng Tikog bag mula Samar at pumps o sapatos na gawang Marikina.

Classy look naman ang datingan ni Senator Nancy Binay suot ang elegante at tradisyunal na Filipiniana na all-piña fabric mula Aklan.

Agaw-pansin din ang kasuotan ni Senator Imee Marcos na ternong blazer at pantalon na may naka-print na mga magsasakang nagbabayo.

Change outfit daw siya mamaya sa SONA at magsusuot ng Filipiniana.

Naka-barong din ang baguhang senador na si Robin Padilla na aniya’y binili lamang niya sa isang mall.

Nakasuot din ng tradisyunal na barong tagalog si Senate President Juan Miguel Zubiri.

Agaw-pansin din si Vice President Sara Duterte na nakasuot ng Bagobo Tagabawa traditional dress.

Facebook Comments