Supermajority, posibleng ituloy ang paghahain ng kaso laban kay Alejano

Manila, Philippines – Posibleng irekomenda ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na maghain ng reklamo sa Ethics Committee o kaya ay kasuhan ng perjury si Magdalo Rep. Gary Alejano.

Ito ay bunsod na rin ng pahayag ni Alejano na iaakyat sa International Criminal Court ang mga reklamong nakapaloob sa impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Fariñas, bagamat wala pang kongkretong plano na hahainan ng kaso si Alejano ay inaaral nila kung gagawin ito ng supermajority kung itutuloy pa rin ng kongresista ang pagakyat sa ICC.


Minaliit naman ni Fariñas ang banta ni Alejano sa pagsaklolo sa ICC dahil wala namang pakialam sa impeachment complaint ang criminal court.

Ang mga isinasampang reklamo sa ICC ay pawang mga criminal case dapat at saka lamang dadalhin ang kaso sa ICC kapag hindi ito inaksyunan ng mga criminal courts sa bansa.

Para kay Fariñas, propaganda lamang ito ni Alejano at tiyak na wala ding pupuntahan ang nasabing reklamo.
DZXL558

Facebook Comments