Pinaglalatag ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy o DOE ng mga contingency measures para tiyakin ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng coal at maiwasan ang posibleng pagtaas ng presyo nito.
Iginiit ito ni Gatchalian sa DOE, matapos ipagbawal ng Indonesia ang pag-export nito ng coal ngayong buwan dahil bumababa ang kanilang suplay.
Nababahala si Gatchalian, dahil ang Indonesia ang pinakamalaking pinagkukunan ng Pilipinas ng suplay ng coal.
Binanggit pa ni Gatchalian na noong 2020, ang 57.17% na power generation para sa buong bansa ay nagmula sa coal.
Kaugnay nito ay umaasa si Gatchalian na kukuha ang pamahalaan ng mga panibagong suppliers na makakatugon sa ating mga pangangailangan lalo na sa mga susunod na linggo kung kailan posibleng bumaba ang stock ng bansa na magmumula sa Indonesia.
Diin pa ni Gatchalian, dapat ay maging bahagi ng contingency measures ang pagtitiyak na sinusunod ng coal-fired power plants ang alituntunin na nagtatakda sa kanila na magkaroon ng 30 araw na minimum inventory requirement.
Sabi ni Gatchalian, dapat itong Magsilbing wake-up call para pag-isipan nang mabuti ng gobyerno ang pagbabawas nang paggamit natin ng coal sa pamamagitan nang pagtataguyod ng iba pang mapagkukunan ng enerhiya.