Nais ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na madagdagan pa ang alokasyon ng mga lokal na pamahalaan para sa mga bakuna laban sa COVID-19 lalo na ng AstraZeneca, Pfizer at Moderna.
Ang mga ito kasi aniya ang madalas ibinabakuna bilang booster shot sa mga nagpabakuna ng Sinovac, Janssen at Gamaleya at iba pa.
Maliban pa, ginagamit din ang Moderna at Pfizer sa mga kabataan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Kezia Lorraine Rosario na ang diskarteng ito ang nagsisilbing pagbalanse ng gobyerno para sa paglalaan ng bakuna sa mga vaccination sites sa buong bansa.
Ayon kay Rosario, dahil iniksian na sa 3 buwan ang interval ng pagpapa-booster shot dadami na ang magtutungo sa mga vaccination sites para magpaturok ng 3rd dose.