Suplay ng baboy sa NCR, kulang pa rin – DA

Aminado ang Department of Agriculture (DA) na kulang pa rin ang suplay ng baboy sa Metro Manila.

Ito ay sa kabila ng libu-libong suplay ng baboy na dumating sa rehiyon kahapon mula sa Visayas at Mindanao.

Pero ayon kay DA Spokesperson Noel Reyes, kahit papano ay nakapuntos ang pamahalaan laban sa pagmamanipula sa presyo ng mga karneng baboy ng ilang mga trader at wholesaler.


“Kumbaga sa ano eh, nakapuntos din tayo, pero patuloy pa rin ang laban,” ani Reyes sa panayam ng RMN Manila.

Sa susunod na linggo, 2,000 ulo ulit ng baboy ang ibabagsak sa Metro Manila galing sa Batangas, Iloilo, Mindoro, General Santos, South Cotabato at Bukidnon.

Bukod dito, isinusulong din ng DA ang mataas na pork imports at mababang taripa sa 400,000 metric tons para punan ang kakulangan sa pork supply.

“Ang kakulangan po sa buong taon ay 500,000 metric tons. Ang ini-import lang natin ay 54,000 (metric tons). Ibig sabihin, may kakulangan po. So, magre-recommend kami ng 400,000 (metric tons) nasa Tariff Commission na po ‘yan kung aaprubhan o hindi,” saad ng DA official.

Magkakaroon din ng repopulation program ang ahensya para sa mga hog raiser na layong buhayin muli ang industriya ng pagbababoy sa bansa.

“Meron po kaming repopulation program, ‘yan po ang pagtutuunan ng pansin kung saan pwedeng mag-alaga na, bibigyan natin ng ayuda worth P600 million po ‘yun. May pautang din ang Landbank na P15 billion para sa commercial hog raisers at P12 billion naman sa DBP.”

Facebook Comments