SUPLAY NG BIGAS | NFA, hindi na mag-aangkat ng mamahaling commercial rice

Manila, Philippines – Hindi na mag-aangkat ang National Food Authority (NFA) Council ng mamahaling commercial rice bilang pagtugon sa mataas ng presyo ng bigas.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol at Chairman ng NFA Council, hindi na mag-aangkat ng “class A” o iyong limang porsiyentong durog na bigas ang Pilipinas mula Thailand at Vietnam.

Naglalaro daw kasi sa P50 kada kilo pataas ang presyo nito sa merkado.


Anya, kapag walang mahal na bigas ay mahihila na rin pababa ang presyo ng ibang commercial rice.

Sabi ni Piñol, tanging 25 porsiyentong durog na bigas lang ang papayagang angkatin ng NFA at ng mga pribadong importer, na mas mura kung ibebenta sa merkado.

Kasabay nito, tiniyak ni Piñol na iinspeksiyunin na rin ng DA at ng NFA ang mga bigas doon pa lang sa bansang panggagalingan bago ikarga sa barko papuntang Pilipinas para maiwasan ang pagkakaroon ng bukbok.

Samantala, nagmura na ng P1 hanggang P2 kada kilo ang commercial rice sa ilang pamilihan.

Sabi ng DA, asahang mas bababa pa ang presyo ng commercial rice dahil kasabay ng anihan ay ang pagdating ng mga inangkat na bigas.

Facebook Comments