Zamboanga City – Hindi pa ganap na mapapababa ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng commercial rice sa Zamboanga City.
Gayunman sinabi ni NFA Administrator Jason Aquino, dahil sa tuloy-tuloy na distribusyon ng NFA rice sa lugar, may pagpipilian na ng murang bigas at kayang bilhin ang mga mahihirap at marginalized sectors doon.
May mga NFA rice outlets na tinawag na Tagpuan Day Rice Response Delivery ang binuksan na rin sa mga barangay sa Basilan-Sulo-Tawi Tawi at Zamboanga na makakabili ngP27 kada kilo ng well-milled rice .
Binibigyan ng prayuridad na makabili dito ang mga indigenous peoples, mga maliliit na mangingisda, mga magsasaka, urban poor, at mga naninirahan sa mga resettlement areas.
Base sa huling ulat sa krisis sa bigas sa Zamboanga, nasa 80% na ng rice requirements doon ang natutugunan na ng NFA.
Mula sa 2,000 bags na supply ng NFA kada araw nadagdagan na ito hanggang 4,000 bags para sa kabuuang 5,340 bags na daily rice requirement ng rehiyon.
Una nang inanunsyo ng NFA na naresolba na ang krisis ng bigas sa Zamboanga City.