Suplay ng bigas sa bansa, sapat hanggang sa katapusan ng taon sa kabila ng pinsalang iniwan ng mga bagyo sa sektor ng agrikultura; target na 93% rice sufficiency, malabo nang maabot

Nananatiling sapat ang stock ng bigas sa bansa hanggang sa katapusan ng 2020.

 

Ito ang tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar sa kabila ng matinding pinsalang iniwan ng sunod-sunod sa bagyo sa mga sakahan.

 

Ayon sa kalihim, pagsapit ng katapusan ng taon ay may rice inventory pa na magagamit hanggang sa susunod na 82 araw simula sa Enero 2021.


 

Habang ang bagong produksyon ay aanihin sa katapusan ng Marso at Abril.

 

Samantala, sa interview ng RMN Manila, sinabi ni National Food Administration (NFA) Administrator Judy Dansal na malabo nang maabot ng bansa ang target nitong 93% rice sufficiency sa katapusan ng taon dahil pa rin sa epekto ng mga bagyo.

 

Aniya, kailangan talagang mag-angkat ng bigas dahil maski hindi pa tumatama ang mga bagyo ay talagang hindi pa sapat ang produksyon ng palay sa bansa.

 

Kabuuang P12.3 bilyon ang halaga ng iniwang danyos ng mga Bagyong Quinto, Rolly at Ulysses sa sektor ng agrikultura kung saan pinakaapektado ang Cagayan Valley, Calabarzon at Bicol Region.

 

Matatandaang sinabi ng DA na mas maraming bigas ang aangkatin ng bansa sa susunod na taon para punan ang pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo.

Facebook Comments