*Cauayan City, Isabela- *Bagamat tumaas ang kaso ng dengue at bilang ng mga nagpapagamot sa Echague District Hospital ng bayan ng Echague, Isabela ay tiniyak pa rin na mayroong sapat na suplay ng gamot para sa mga dumadagsang pasyente.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Rhoda Jacquiline P. Gaffud, Chief of Hospital ng Echague District Hospital, batay sa kanilang datos ay umaabot sa 50 pasyente kada araw at halos kalahati nito ay may sakit na dengue.
Ang iba naman ay may sakit na lagnat, pagtatae, naaksidente sa daan at iba pang mga karamdaman.
Masuwerte naman aniya na walang naitalang namatay sa kanilang mga pasyente na positibo sa dengue.
Sinabi pa ni Dr. Gaffud na kapag medyo malala na ang kalagayan ng pasyente ay agad nila itong inililipat sa higher level facilities para maagapan ito agad at maisalba ang buhay ng mga ito.
Nagbigay naman ng paalala si Dr. Gaffud sa mamamayan na kailangang maging malinis ang bakuran o kapaligiran para masugpo at maitaboy ang mga lamok na nagtataglay ng sakit na dengue.
Matatandaan na una nang nagdeklara ng State of Calamity ang bayan ng Echague dahil sa mataas na naitatalang kaso ng dengue.