Cauayan City, Isabela – Sisikaping maibalik sa lalong madaling panahon ang suplay ng koryente sa lalawigan ng Cagayan at northern part ng Isabela matapos ang matinding hagupit ng bagyong ompong.
Ito ay sa pamamagitan ng gagawing pagpupulong bukas ng pamunuan ni Philippine Federation of Electric Cooperation Chairman at General Manager ng ISELCO II David Solomon Siquian.
Layunin umano ng pulong na pag-usapan kung paano matulungan at maibalik ang suplay ng koryente sa mga naapektuhan ng bagyo higit lalo sa probinsya ng Cagayan.
Samantala inihayag naman ni ginang Lilibeth Gaydowen ng National Grid Corporation of the Philippines Northern Luzon na ang natitira lamang na linya ng NGCP na hindi pa naibabalik ay mula sa linya ng Isabela hanggang sa Tuguegarao City kung saan ito ang 69KB line na nasa Cabagan, Isabela.
Ang mga apektadong lugar na wala pang suplay ng koryente sa Cabagan at Tumauini substation ay ang nasasakupan ng bayan ng Sto. Tomas, Delfin Albano, Tumauini, Cabagan, San Pablo at Sta. Maria.
Bagamat may Ilang erya sa lungsod ng Ilagan ay naibalik na ang kanilang koryente maging sa eastern part ng Isabela.
Patuloy parin ang inspeksyon at clearing operation sa mga lugar na wala pang koryente hanggang sa ngayon.