Tiniyak ngayon ng Department of Energy na walang aberya sa suplay ng kuryente sa araw ng botohan sa Lunes, Mayo a-nueve.
Ayon kay DOE Dir. Mario Marasigan, simula noong May 2 ay naka-monitor na ang binuong energy taskforce on election para matiyak na sapat ang supply ng kuryente sa halalan.
Bente-kwatro oras din aniyang binabantayan ang lahat ng generating facility kung sakaling magkaroon ng emergency shutdown.
Naniniwala naman ang opisyal na walang magiging problema lalo na pagdating sa transmission ng boto.
Mahigpit din aniya na nakikipag-ugnayan sila sa Armed Forces of the Philippines, Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, at Philippine Coast Guard para sa seguridad ng mga linya ng kuryente laban sa mga magtatangkang manabotahe.