Suplay ng tubig sa Metro Manila sa loob ng limang taon, pinapasapubliko ng isang senador

Pinapalatag ngayon ni Senator Win Gatchalian sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang estratehiya mula ngayong hanggang 2023 para matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila.

Ayon kay Gatchalian mahalagang may nakahanda ng aksyon ang gobyreno na tugon sa resulta ng pag-aaral ng University of the Philippines National Engineering Center na nakatakdang makaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig ang Metro Manila pagsapit ng 2020.

Bunsod nito ay pinapasumite ni Gatchalian kay MWSS Administrator Reynaldo Velasco ang listahan ng mga nakalinyang proyekto hanggang 2023 kung saan inaasahang makukumpleto na rin ang Kaliwa Dam project.


Sabi ni Gatchalian, ang Kaliwa Dam ay pangunahing inaasahan ng gobyerno na magpupuno sa pangangailangan sa tubig ng buong Metro Manila.

Nais ding malaman ni Gatchalian ang contingency plans ngayon ng pamahalaan sakaling matuyo ang Angat Dam dahil sa nararanasang El Niño o tagtuyot.

Paliwanag ni Gatchalian, dapat may nakahanda ng hakbang ang gobyerno sakaling pumalpak ang ikinakasa nitong cloud seeding.

Facebook Comments