Manila, Philippines – Pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 144 miyembro ng Philippine National Police Academy Masidlak Class of 2017 na magpakatino at magtrabaho ng marangal bilang mga bagong pulis, jail officers at bombero.
Sa kanyang talumpati sa commencement exercises ng PNPA sa Camp Castaneda, Silang, Cavite – sinabi ni Pangulong Duterte na makaka-asa ang mga bagong graduates na naka-suporta sa kanila ang gobyerno lalo na sa misyon nila para sa kaligtasan at seguridad ng mamamayan.
Ayon pa kay Pangulong Duterte, walang dapat alalahanin ng mga bagong pulis dahil inaayos na ang sistema para balikatin ng gobyerno ang pag-aaral ng kanilang mga anak hanggang makatapos ang mga ito sa kolehiyo.
Sabi pa ng Pangulo na ramdam niya ang sitwasyon ng mga pulis lalo na sa pagiging ama kung saan prayoridad o laging nasa isip ang kapakanan ng mga anak lalo kapag nasa malayong destino.
Samantala, ginawaran ni Pangulong Duterte ng Presidential Kampilan Award ang valedictorian ng PNPA Masidlak Class of 2017 na si Cadet Macdum Enca habang ginawaran naman ni Vice President Leni Robredo ng Vice Presidential Kampilan Award ang Class Salutaturian na si Cadet Midzfar Hamis Omar.