Tinitiyak ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbibigay ng suporta sa tuloy-tuloy na operasyon ng mga state-run drug rehabilitation centers sa bansa sa kabila ng pandemya.
Ayon kay Cebu Representative Eduardo Gullas, miyembro ng House Appropriations Committee, sa ilalim ng P4.5 trillion national budget sa 2021 ay may alokasyong P1.3 billion na inilaan para sa 22 public residential drug abuse treatment and rehabilitation centers na pinatatakbo ng Department of Health (DOH).
Sa 22 DOH-run drug rehab centers, pinakamalaking pondo ay mapupunta sa Bicutan Rehabilitation Center na may P186.9 million, Tagaytay Rehabilitation Center na may P102.4 million, Dagupan Rehabilitation Center na may P93.7 million, Argao, Cebu Rehabilitation Center na may P83 million, Central Luzon Centers for Health Development na may P73.7 million, at Cagayan de Oro Rehabilitation Center na may P71.7 million.
Hinihikayat naman ni Gullas ang mga pamilya na may kaanak na gumagamit ng iligal na droga na boluntaryong sumailalim sa drug rehabilitation.
Sa ilalim din ng batas, ang mga nadakip na small-time drug users ay maaaring sumailalim sa gamutan at rehabilitasyon sa halip na sa kulungan.