Nakiisa si Senator Grace Poe sa pangangalampag sa Inter-Agency Task Force para aksyunan ang lumolobong bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 sa Iloilo at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kay Poe, sa ngayon ay nangangailangan ang kanyang bayang Iloilo ng mas maraming gamot, bakuna at medical frontliners dahil okupado na ang mga hospital beds habang atrasado pa rin ang reimbursement ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga ospital.
Kaya naman giit ni Poe, pagbigyan agad ang hiling ng mga local executives na iprayoridad din na mabigyan ng bakuna ang mga lugar sa labas ng National Capital Region (NCR) na maikokonsiderang COVID-19 hotspots.
Giit ni Poe, bilisan ang distribusyon ng bakuna dahil mahirap nang labanan ang COVID-19 kapag kumalat na ito nang husto sa isang lugar.
Diin ni Poe, masakit makita ang mga pasyente na hirap maisalba dahil sa kakulangan o kawalan ng medical and health support.