SUPORTA SA MAHIGIT 100 MAG-AARAL SA SAN NICOLAS, PINATATAG SA PAMAMAHAGI NG EDUCATIONAL ASSISTANCE

Patuloy ang pagbibigay ng educational assistance sa mga benepisyaryong mag-aaral sa San Nicolas, Pangasinan bilang bahagi ng suporta sa sektor ng edukasyon at upang matulungan ang mga kabataan na makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral.

Karagdagang mahigit isang daang mag-aaral ang nakinabang sa tulong-pinansyal na ipinamahagi ng pamahalaang lokal, na nagbigay-daan upang mabawasan ang kanilang gastusin sa matrikula, school supplies, at iba pang pangangailangan sa paaralan.

Batay sa opisyal na ulat, kabilang sa mga benepisyaryo ang mga estudyanteng na-update ang status mula 4Ps patungong non-4Ps, gayundin ang mga batang hindi nakasama sa orihinal na listahan.

Pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office at ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ang distribusyon ng tulong upang matiyak na bawat kwalipikadong mag-aaral ay nakatanggap ng nararapat na suporta.

Bahagi ang educational assistance sa mas malawak na programa ng bayan upang pagbutihin ang kinabukasan ng kabataan at matiyak na walang batang maiiwan sa pag-aaral.

Facebook Comments