Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Narsal Foronda, Secretary ng College of Law Dean’s Office ng ISU Cauayan Campus, alas-4:00 pa lang ng madaling araw ay marami ng mga barista at tagasuporta ang nagtungo sa CSU Campus para sa kanilang unang araw ng pagsusulit.
Isa aniya siya sa maagang nagtungo sa nasabing Unibersidad upang magbigay ng suporta sa mga BAR examinees lalo na sa mga Law graduates mula sa Isabela State University (ISU) Cauayan Campus.
Nasa 30 barista aniya ang galing sa ISU Cauayan Campus kung saan ang labing walo (18) ay naka-schedule sa CSU Carig campus habang ang 12 na barista ay nag-exam naman sa Saint Mary’s University sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Mahigit namang ipinatupad ang health protocols sa BAR exams dahil bago pumasok sa CSU campus ang mga barista ay sumailalim muna ang mga ito sa antigen test na kung saan mayroon aniyang isa ang hindi pinayagang makapag-exam matapos magpositibo sa antigen test.
Ayon pa kay Ginoong Narsal, ‘very high morale’ ang mga barista ngayon dahil na rin sa kanilang mga natatanggap na suporta mula sa kanilang mga kaanak, kaibigan at guro sa College of Law.
Pagkatapos ng kanilang unang araw na pagsusulit, magpapahinga muna ang mga barista bukas, Pebrero 5, 2022 at itutuloy muli ang kanilang pagsusulit sa Pebrero 6.
Ito rin ang unang araw ng kauna-unahang bar exam ng mga barista na isinagawa sa labas ng Metro Manila.
Umaasa naman ang pamunuan ng College of Law na magiging maganda ang resulta ng BAR Examinations ngayong taon dahil matindi aniya ang pangangailangan ng mga abogado sa bansa kung kayat mainam na marami ang makakapasa ngayon para mapunan ang mga government offices na nangangailangan ng mga lawyers.