Manila, Philippines – Susuportahan ng Philippine National Police (PNP) ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan nang armas ang mga barangay officials at barangay tanod para makatulong sa pagsugpo ng krimen sa bansa.
Pero ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde nasa hurisdiksyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagrerekomenda nito para magkaroon ng proper documentation.
Paliwanag ni General Albayalde kapag pumayag ang DILG at tuluyang maisabatas ang pagaarmas sa mga barangay officials at barangay tanod hindi aniya magiging problema sa PNP na sanayin ang mga ito sa paghawak ng baril.
Dahil napakadelikado aniya kung walang gagawing training para rito.
Sa ngayon aniya habang hindi pa naisasakatuparan ang kagustuhan ng Pangulo na armasan ang mga barangay officials hinikayat naman ni Albayalde ang mga barangay officials na gustong magkaroon ng armas na maari namang kumuha ng permit to carry firearms outside residence o PTCFOR.
Ngunit nilinaw nyang hindi ito maaring gamitin habang ginagawa ang kanilang duties o trabaho sa kanilang nasasakupang barangay.