Hinikayat ni GABRIELA Representative Arlene Brosas ang kamara na maghanda para magpasa ng panukala para sa supplemental budget sa pinangangambahang pagkalat ng sakit na novel coronavirus sa bansa.
Ito ay dahil isinisisi ni Brosas ang pagtapyas sa pondo ng Department of Health (DOH) para sa disease surveillance dahilan kaya kulang ang budget para sa screening ng mga potential carriers ng coronavirus.
Ikinabahala ni Brosas ang kakulangan sa pondo dahil umabot sa 56% ang ibinawas para sa disease surveillance ngayong taon.
Sa inaprubahang 2020 General Appropriations Act, nasa P115.5 million ngayong 2020 ang alokasyon para sa epidemiology and disease surveillance program ng DOH mula sa P263 million noong 2019.
Giit ng kongresista, buhay at kalusugan ng mga Pilipino ang nakasalalay dito.
Kailangan aniya na magkaroon ang gobyerno ng kakayahan na ma-track at epektibong malabanan ang sakit lalo pa at milyun-milyong turista ang bumibista sa bansa.