Itutulak sa Kamara ang “supplemental budget” para mapondohan ang implementasyon ng ‘Libreng Sakay’ hanggang sa Disyembre.
Iginiit ni Quezon Rep. Reynan Arrogancia na mahalagang mapondohan ang programa upang matiyak na maipagpapatuloy ang libreng sakay hanggang sa katapusan ng taon.
Ang supplemental budget ay posibleng hugutin sa koleksyon ng gobyerno mula sa fuel excise tax at iba pang buwis mula sa TRAIN law.
Giit ng kongresista, dapat lubusin na ang implementasyon ng libreng sakay at i-expand via service contracting hindi lamang sa EDSA kundi sa iba pang mga ruta at hindi lamang sa mga estudyante kundi sa lahat ng mga pasahero.
Ito aniya ang dahilan kaya kailangan ang supplemental budget para lahat ng mga pasahero ay makinabang sa libreng sakay.
Una rito, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) na i-extend o palawigin pa ang ‘Libreng Sakay’ hanggang Disyembre.