Umapela si Deputy Minority Leader and ACT Teachers Representative France Castro sa liderato ng Kamara na agad aksyunan ang inihain niyang House Joint Resolution No. 4.
Nakapaloob sa resolusyon ang paglalaan ng 32-billion pesos na supplemental budget para dagdagan ang nauubos na Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Paliwanag ni Castro, dalawang linggo na lang ang nalalabi bago magbukas ang pasukan at napakarami pang dapat gawin para maging ligtas ang mga mag-aaral sa gitna ng pandemya.
Tinukoy din ni Castro ang sinabi ng Department of Education (DepEd) na mangangailangan ng 2.1 billion pesos ang mga eskwelahan na napinsala ng 7.3 magnitude na lindol.
Sabi ni Castro, bukod pa ito sa 16-billion pesos na kailangan para sa pagsasaayos ng mga paaralan na sinira ng mga Bagyong Odette at Agaton.
Giit ni Castro, kailangan kumilos agad ang liderato ng Kamara para maihanda na ang mga kagamitan at mga pasilidad na kailangan ng mga paaralan na makakatulong sa pagbibigay-proteksyon sa mga guro at estudyante sa harap ng tumataas muling kaso ng COVID-19 sa bansa.