Supplemental budget para sa pension ng mga retiradong pulis at sundalo, ihahain sa Kamara

Nakatakdang maghain si Appropriations Committee Chairman Eric Yap ng supplemental budget para tugunan ang kakulangan sa “Pension and Gratuity Fund” ng mga retiradong sundalo at pulis.

Kasunod ito ng alegasyon ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa liderato ni Speaker Lord Allan Velasco na tinapyasan ng ₱20 billion ang pondo para sa pensyon ng mga military at police retirees sa ilalim ng 2021 National Budget.

Ayon kay Yap, ₱50 billion na supplemental budget ang kanyang planong ihain sa Kamara para mabawi naman ang naunang ₱70 billion na ibinawas ng dating liderato ng Kamara sa Pension and Gratuity Fund noong 2020 budget.


Nilinaw ni Yap na ang 2021 General Appropriations Act ay binusisi ng husto sa bicameral conference committee kasama na ang Ehekutibo at Department of Budget and Management (DBM).

Dagdag na paliwanag pa ng kongresista, ang ₱20 billion na ibinawas sa pension ng mga retiradong uniformed personnel ay ‘consensual’ o may pahintulot ng lahat ng sangay ng pamahalaan at ginawa ito para bigyang pondo ang ilang mga programa para tugunan ang COVID-19 pandemic.

Facebook Comments