Ikino konsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghirit sa kongreso ng supplemental budget para ipantulong sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Sto. Tomas, Batangas, sinabi nito na tapos na kasing mailatag noong isang taon ang pambansang pondo para sa taong ito.
Hindi aniya naisali ang pondo pantulong sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal dahil hindi naman inakala na mangyayari ito.
Gayunpaman, sinabi ng pangulo na walang dapat ipag alala ang mga taga Batangas na apektado ng kalamidad dahil may pondo para sa kanila.
Kaugnay nito, sinabi ng pangulo na may ilalaang pondo ang pamahalaan para rehabilitasyon at recovery ng Batangas.
Nakapaloob aniya ito sa pondong ipinatatabi niya para sa planong pagpapatayo ng malalaki at matitibay na evacuation centers lalo na sa tinatawag na disaster prone areas.
Kasama aniya ang Batangas na makikinabang sa pondong ito.