Manila, Philippines – Aarangkada na muli ngayong araw ng Philippine National Police ang ‘Oplan Tokhang’.
Isasagawa ang operasyon base sa supplemental operational guidelines na dapat sundin ng mga tauhan at kung may lalabag ay mahaharap sa matinding kaparusahan.
Nakapaloob sa guidelines, tanging alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon lamang pwedeng isagawa ang operasyon lunes hanggang Biyernes.
Nakasaad rin na dapat ay unipormado ang mga ‘tokhangers’ o mga pulis na magsasagawa nito.
Pwede ring isagawa ang tokhang sa opisina, police station at eskwelahan.
Masisibak naman ang precinct commander kapag nilabag ng kanyang mga tokhangers ang tamang pagpapatupad ng tokhang.
Aalisin rin sa pwesto ang chief of police ng isang munisipyo sa oras na matanggal ang dalawa niyang precinct commander.
Damay rin sa sibakan ang provincial director kung matanggal ang dalawa niyang chief of police at ang regional director kapag nasibak ang kanyang dalawang provincial director.
Maliban rito, masasampahan din ng kaso ang sinumang tokhanger na lalabag sa operational guidelines para sa Oplan Tokhang.