Nais ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ilagay sa blacklist ang supplier ng mga depektibong SD cards sa national at local elections.
Nag-isyu na si Guanzon ng memorandum sa Comelec en banc para i-boycott ang supplier na S1 Technologies Incorporated at Silicon Valley Computer.
Ayon kay Guanzon – aabot sa 1,000 SD cards ang hindi gumana nitong eleksyon dahil ang mga ito ay cheap.
Dagdag pa ni Guanzon – karamihan sa mga palyadong SD cards ay ipinadala sa mga malalayong lugar upang mahirap itong palitan.
Maliban sa depektibong SD cards, nagkaroon din sila ng problema sa Voter Registration Verification System (VRVS), ang makinang bumabasa sa thumbprint ng botante upang malaman kung ito ba ay rehistradong botante.
Aabot din sa 400 hanggang 600 vote counting machines (VCM) at bleeding pens ang nagpa-aberya nitong eleksyon.