Kinumpirma ni National Task Force Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na pirmado na ang supply agreement para sa 30 million doses ng COVID-19 vaccine ng kompanyang Novavax.
Ayon kay Galvez, inaasahang darating ito ng bansa sa ikatlo o sa huling quarter ng taon.
Sa ngayon, aniya, hihintayin na lamang ng pamahalaan na maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency Use Authorization (EUA) ng bakuna ng Novavax.
Habang inihayag ng Department of Health (DOH) na nakareserba na ang supply ng Sinovac vaccine na nakalaan para sa ikalawang dose ng ituturok na bakuna sa mga nauna nang nabakunahan.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, alinsunod ito sa inaprubahang EUA ng Sinovac na dapat mayroong 28 na araw na pagitan sa pagbibigay ng una at ikalawang dose ng bakuna.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bakunahan na ang mga informal settlers o kabilang ang mga poorest of the poor sa bansa tatlong araw mula ngayon.
Samantala, hindi muna inirerekomenda ng ilang vaccine expert ang pagbabakuna sa mga buntis.