Inihayag ng Department of Agriculture na nagkakaroon na ngayon ng kakulangan ng supply sa bansa ng mga fertilizer o pataba sa lupa.
Ayon kay Fertilizer and Pesticide Authority Deputy Director Myer Mula, ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at pagsipa ng demand ng mga abono.
Paliwanag ni Mula, apektado rin ng digmaan ng Russia at Ukraine ang supply nito sa pandaigdigang merkado kung saan umaasa lamang tayo sa pag-aangkat nito.
Napag-alaman na mula noong Oktubre ng nakaraang taon ay nasa ₱600 ang ipinapatong sa kada 50 kilo ng prilled at granular urea na mga klase ng nitrogen fertilizer.
Sa ngayon, nasa 200,000 hanggang 300,000 metriko tonelada ng mga pataba na ginagamit sa palay, mais, at high-value crops ang kakailanganin ng bansa para sa nalalapit na cropping season.