*CAGAYAN- *Inihayag ni ginoong Danny Rumpon, ang Municipal Agriculture Officer (MAO) ng Buguey, Cagayan na Malaki ang naging epekto ng bagyong Ompong sa supply ng alimango sa bayan ng Buguey, Cagayan bilang Crab Capital of the North.
Aniya, nasa tatlumpung libong alimango umano ang inalagaan ng mga mangingisda na may katumbas na halagang mahigit kalahating milyon subalit dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong ay bumaba na umano ang supply nito.
Dahil dito ay wala na umanong mai-susupply nitong buwan ng Nobyembre at Disyembre dahil sa bagyong Ompong.
Bukod umano sa kanilang produktong alimango na naapektuhan rin ng bagyong Ompong ay natamaan rin umano ang kanilang alagang isdang Malaga na inaasahang makaka-harvest ng tatlumpung libong kilo na ngayon ay nasa anim na libong kilo na lamang.
Kaugnay nito ay tumaas na rin ang presyo ng alimango at isdang Malaga dahil sa kakulangan na ng supply nito.
Kasalukuyan pa rin umanong kinukuha ng pamunuan ng MAO ng bayan ng Buguey ang datos ng mga mangingisdang naapektuhan ng bagyong Ompong upang mabigyan rin ng ayuda.