Supply ng Computer at Laptop sa Lungsod ng Cauayan, Nagkakaubusan na

Cauayan City, Isabela- Hindi na sapat ang supply ng gadget sa Lungsod ng Cauayan matapos na magkaubusan dahil na rin sa nalalapit na pasukan para sa school year 2020-2021 sa ika-5 ng Oktubre ng taong kasalukuyan.

Sa ginawang monitoring ng DTI Isabela sa presyo, demand at supply ng mga gadgets, computers at basic materials sa 13 na business establishments sa Lungsod ng Cauayan, nabatid na ‘insufficient’ na ang supply ng IT products gaya ng desktop, laptop at tablet dahil sa mataas na demand o pangangailangan.

Kasunod na rin ito sa gagawing blended learning system ng Department of Education (DepED) kung saan bahagi dito ang pagtuturo at pag-aaral via online.


Maging ang supply ng bondpaper ay nagkakaubusan na rin dahil sa modular distance learning.

Ang ginawang pagsubaybay ng nasabing ahensya sa supply ng gadgets ay upang matiyak kung sapat pa ang mga ito at magawan din ng paraan at hakbang sakaling magkulang lalo na’t papalapit na ang pagsisimula ng klase ngayong taon.

Facebook Comments