Supply ng kuryente sa 9 na lalawigan, apektado ng pananalasa ng Bagyong Kristine

Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na 25 power lines, 19 na distribution utilities, mula sa siyam na lalawigan ang naapektuhan ng Bagyong Kristine.

Kaugnay nito, halos 971,000 consumers ng National Electrification Administration (NEA) ang apektado ng bagyo.

Ayon naman sa NEA, 86 na electric cooperatives naman ang apektado ng bagyo, habang 35 ang hindi naapektuhan.


Dahil dito, anim na electric cooperatives ang nakararanas ng total power interruption, 29 naman ang nakararanas ng partial power interruption, at 50 electric cooperatives ang normal pa ang operasyon.

Tinukoy ng NEA na ang dahilan power interruptions ay manual shutdown para sa kaligtasan ng publiko dahil sa pagbaha at malakas na hangin, gayundin ang pagkasira ng distribution lines, habang may ginagawa ring ongoing damage assessment.

Tiniyak naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang grid status sa Luzon at Visayas ay nanatiling normal at sapat ang operating margin.

Facebook Comments