Nais ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na madagdagan pa ang supply ng AstraZeneca, Pfizer, at Moderna vaccine sa mga Local Government Units (LGU) para sa mga booster shot at pediatric vaccination.
Ito ay matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapaiksi ng interval ng booster shot sa primary vaccine at ng Emergency Use Authorization (EUA) sa edad 5 hanggang 11.
Ayon kay Dr. Kezia Lorraine Rosario ng NVOC, gumagawa na sila ng paraan kung paano sila makapagbibigay ng sapat na mga COVID-19 vaccine na kinakailangan para sa pagbabakuna.
Aniya, ang nasabing tatlong brand ng bakuna ay ang inirerekomendang heterologous booster shot ng Department of Health pagkatapos makumpleto ang primary series.
Habang tanging ang Moderna at Pfizer vaccine lamang ang inaprubahang bakuna para sa mga edad 12 hanggang 17.
Batay sa National COVID-19 vaccination dashboard, umabot na sa 1.2 million doses ng bakuna ang naiturok na hanggang nitong December 22.