Kumilos na ang mga tagasuporta ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco para patalsikin sa pwesto si House Speaker Alan Peter Cayetano.
Aabot na sa 187 na mga kongresista ang lumagda sa isang manifesto na nagbibigay suporta sa pagluklok ngayong araw kay Velasco bilang bagong Speaker ng Mababang Kapulungan.
Salig sa Section 13, Rule 3 ng House Rules ay maaaring ipadeklarang bakante ng mayorya ng mga mambabatas ang posisyon ng Speaker.
Samantala, nagsasagawa na ngayon ng sesyon sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City ang mga kongresista na suportado si Velasco.
Kinumpirma ni Albay Representative Joey Salceda na nasa 187 na ang bilang ng mga kongresista na nagpahayag ng suporta kay Velasco upang maging Speaker kapalit ni Cayetano kung saan sa bilang na ito ay 167 naman ang lumagda na sa manifesto.
Iginiit din ni Salceda na igagalang ng Malakanyang at kikilalanin ang pagiging Speaker ni Velasco bilang ito ang pasya ng mayorya at hiwalay na branch sila ng gobyerno.
Nakasaad din sa manifesto ang “full commitment” ng mga kongresista sa Proclamation 1027 ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtibayin agad ang P4.5 trillion 2021 national budget o ang 2021 General Appropriations Bill.
Samantala, itinanggi naman ni House Secretary General Atty. Jose Luis Montales sa Kamara ang nagpatawag sa PNP-Special Action Force (SAF) na nasa labas ngayon ng Batasan Complex.
Dumating ang trucks ng PNP-SAF sa bisinidad ng Batasan Complex sa gitna na rin ng mainit na usapin sa Speakership.
Ayon kay Montales, walang ipinapatawag ang Kamara o ang kanyang opisina para sa deployment ng PNP-SAF.
Bukod dito, hindi rin sila aware na may mga otoridad na nakapwesto sa labas ng Batasan.
Ang nasabing trucks ng PNP-SAF ay naka-park sa harap ng QCPD Station 6 na tapat lamang ng Batasan Complex.