Premature pa na talakayin ang legal implications ng desisyon ng Korte Suprema sa 2005 joint oil exploration deal sa mga hinaharap na kasunduan ng Pilipinas at Tsina.
Ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos na ideklara ng Supreme Court na labag sa Saligang Batas ang pinasok na Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ng Pilipinas, Tsina, at Vietnam noong 2005.
Nilagdaan ang kontrobersyal na kasunduan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kamakailan sa Beijing ay natalakay nila ni Chinese President Xi Jinping ang pagpapatuloy ng negosasyon sa joint oil and gas deals ng dalawang bansa sa South China Sea.
Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, maingat na inaaral ng kagawaran ang ruling ng SC sa nasabing tripartite agreement.
Binigyang-diin ni Daza na ang lahat ng hakbang at rekomendasyon ng DFA ay nakasalig sa Konstitusyon at mga batas ng bansa.
Aniya, tungkulin ng DFA na ikonsidera ang mga aplikableng kaso na dinesisyunan ng Korte Suprema sa alinmang pag-uusap sa hinaharap ng Pilipinas sa China ukol sa langis at petrolyo.