Manila, Philippines – Hinamon ngayon ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito si Supt. Marvin Marcos at mga kasamahan nitong pulis na maghain na ng leave of absence.
Giit ni Ejercito, sa ngalan ng Delicadeza ay dapat gawin ito ni Marcos at mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Diin ni Ejercito, masyado ng nagiging pabigat sa Philippine National Police o PNP ang grupo ni Supt. Marcos dahil ‘too hot to handle’ na ito.
Ang pahayag ni Ejercito ay matapos ang pagdinig ng senado hinggil sa pagbabalik sa serbisyo sa grupo ni Marcos kasunod ng pagbaba sa homicide ng kasong murder na naunang inirekomenda ng DOJ laban sa mga ito.
Si Senator Grace Poe naman duda na tutugunin ni Supt. Marcos ang hamon ni Ejercito.
Punto ni Poe, ang magsabi nga ng totoo ay hindi magawa ni Supt. Marcos at ng grupo nito kaya paano pa ito magpapahalaga sa delicadeza.
Samantala, tuloy pa rin ang trabaho sa senado, wala pang abiso kung pwede ng umuwi ang mga empleyado, sa ngayon ay walang ulan na nararansan, at bahagyang sumisikat na rin ang araw dito bahagi ng Pasay City, partikular sa CCP Complex kung saan matatgpuan ang gusali ng senado.