Habang matindi o kaya nama’y dikit ang laban sa pagitan ng ilang mga naghahangad ng posisyon ngayon halalan, may ilan namang tumakbong walang katunggali.
Ayon sa datos ng Commission on Elections (Comelec), higit 500 ang mga kandidato sa pagka-governor, vice-governor, mayor, vice-mayor, maging district representative, ang walang kahati sa boto.
Halos 40% nito ay binubuo ng mga kandidatong tumatakbo sa ilalim ng PDP-Laban, partido ng administrasyon.
Samantalang, nasa 12 lamang ang walang kalabang kandidato sa ilalim ng Liberal Party.
Pinakamarami ang sure win candidates sa probinsya ng Maguindanao, Ilocos Sur, Bukidnon, Isabela, at Negros Occidental.
Kagabi lamang, ipinroklama nang bagong vice mayor ng Davao City ang anak ng Pangulo na si Sebastian “Baste” Duterte, na walang kalaban.
Gayundin ang panalong vice mayor ng Caloocan City na si Maca Asistio.
Sa Valenzuela naman, ipinroklama na rin ang nanatiling vice mayor at walang kalabang si Lorie Natividad-Borja.