Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, makikipagpulong kay House Speaker Lord Allan Velasco kaugnay sa pagkasa ng joint resolution para sa iisang posisyon ng Kongreso sa West Philippine Sea

Makikipag-usap si Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers kay House Speaker Lord Allan Velasco para sa isinusulong na joint resolution kaugnay sa pagkakaroon ng iisang posisyon ng mga mambabatas ng Kamara at Senado sa isyu ng West Philippine Sea.

Ayon kay Barbers, sa pagbabalik sesyon sa Lunes, Mayo 17, ay agad siyang makikipag-ugnayan sa Speaker para hingin ang suporta nito sa pagkakaisa ng mga kongresista at senador laban sa pang-aangkin ng China sa teritoryo ng bansa.

Makikipagpulong din ang kongresista sa Committee on Foreign Affairs para sa suporta at pagbalangkas ng joint resolution.


Paliwanag ni Barbers, kailangan muna kasing kumbinsihin ang Senado sa ikinakasang resolusyon upang matiyak na may iisang boses ang lahat ng mga lawmakers sa bansa.

Paglilinaw pa ng kongresista, ginagawa niya ito hindi dahil iba-iba ang stand ng mga lawmakers kundi para magkaisa dahil iilan lang din ang matatapang na nagsasalita para sa paggiit ng soberenya ng bansa sa West Philippine Sea.

Facebook Comments