Surplus budget ng gobyerno, gamitin sa mga pasaherong apektado ng aberya sa NAIA

Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa gobyerno na gamitin na lamang sa mga pasaherong apektado ng aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang surplus budget ng pamahalaan.

Kasabay nito ang hamon ng senador sa gobyerno na patunayang mayroon itong budget surplus o sobrang pondo upang itatag ang Maharlika Investment Fund (MIF).

Ayon kay Pimentel, sakaling may sobrang budget naman pala ang pamahalaan, gamitin na lamang ito bilang kompensasyon sa may 60,000 pasaherong naapektuhan ng system glitch sa air traffic management system ng NAIA.


Gayunman, dapat aniyang magtakda ang gobyerno ng cap sa ibibigay na kompensasyon sa pasahero.

Kasabay nito, nanindigan si Pimentel na dapat mayroong managot sa pangyayari kasabay ng pasaring na dapat pairalin din ang courtesy resignation sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) o sa Department of Transportation (DOTr).

Malinaw aniya na mayroong nangyaring kapabayaan o kung hindi naman ay pananabotahe kaya’t nagkaroon ng aberya sa NAIA.

Facebook Comments