SURVEY | Bilang ng pamilyang Pilipinong nagsabing mahirap sila, dumami

Tumaas pa ang bilang ng pamilyang Filipino na itinuturing ang kanilang sarili bilang ‘mahirap’.

Batay sa resulta ng 3rd quarter survey ng Social Weather Stations (SWS), pumalo na sa 52 percent o nasa tinatayang 12.2 milyong pamilyang Pinoy ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap.

Mas mataas ito ng 1.1 milyon, kumpara sa 48 percent o 11.1 milyong pamilya na naitala noong Hunyo 2018.


Ang self-rated poverty para sa buwan ng Setyembre ay ang pinakamataas na simula noong December 2014 na mayroon 52 percent.

Pinakamalaki ang naitalang pagtaas sa self-rated poverty sa balance Luzon na ngayon ay nasa 47 percent; Mindanao na 65 percent; habang hindi naman nagbago sa Visayas sa 67 percent; at ang Metro Manila ay nagtala ng record-low na 26 percent mula sa 43 percent noong Hunyo.

Lumalabas naman sa self-rated poverty threshold na kailangan ng mga pamilya kada buwan ng P15,000 hanggang P10,000 para hindi maikonsidera ang sarili bilang mahirap.

Isinagawa ang SWS survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 Filipino adults sa buong bansa.

Facebook Comments