Manila, Philippines – Naniniwala si Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin na ilusyon lamang ang resulta ng Social Weather Station (SWS) na bumaba na ang bilang ng mga drug users sa bansa base sa pananaw ng publiko.
Giit ng mambabatas, kasinungalingan ang sinasabi ng Malakanyang na tagumpay ang war on drugs dahil sa resulta ng survey.
Sa katunayan aniya, maituturing pa ring narcotics haven ang Pilipinas matapos madiskubre ang bloke-bloke ng cocaine sa Dinagat Islands at Siargao pati na ang bilyun-bilyong pisong shabu shipment sa Bureau of Customs.
Dapat na alam ng Palasyo na hindi nareresolba ang problema sa droga kapag nabawasan ang mga adik sa kalsada kaya hindi dapat magdiwang dahil sa resulta ng survey.
Paliwanag pa ng kongresista, ang lumabas sa survey ay nangangahulugan lamang na epektibo ang pananakot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaniwalang masosolusyunan ang drug problem sa pamamagitan ng pagpatay.