Manila, Philippines – Pinayuhan ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate si Pangulong Duterte ng dapat na gawin nito para umangat sa susunod na survey ang satisfaction ratings nito.
Ang suhestyon ay kasunod ng SWS latest survey kung saan bumaba ng 11 puntos ang satisfaction ratings ni Pangulong Duterte sa +45 bagaman at nanatiling mataas naman ang ratings ng Pangulo at ng ilang mga cabinet members sa Pulse Asia survey.
Ayon kay Zarate, dapat na ibasura na ni Pangulong Duterte ang kanyang mga anti-poor policies at laws na siyang nagpapahirap sa mga Pilipino.
Kabilang na dito ang TRAIN Law, kontraktwalisasyon, pagtaas ng mga pangunahing bilihin, pagiging sunud-sunuran sa China, pagbawi sa peace talks sa NDFP at ang mga kaso pa rin ng extra-judicial killings sa bansa.
Para naman kay Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, nararamdaman na ng mga Pilipino ang pagkalam ng kanilang mga sikmura dulot ng TRAIN Law at sa pagtagal ay marami na ang namumulat sa totoong sitwasyon sa ilalim ng Duterte Administration.
Dagdag pa ng kongresista na ang pagbaba ng ratings ng Pangulo ay pagbaba din ng tiwala ng taumbayan kay Pangulong Duterte.