Suspek ng Pamamaril sa Bahay ng Dalawang Kagawad, Natukoy Na!

Sto. Tomas, Isabela – Natukoy na ng pulisya ang suspek sa naganap na pamamaril sa bahay ng dalawang bagong halal na kagawad ng Sto. Tomas, Isabela.

Ayon kay Police Senior Inspector Mariano Manalo, hepe ng Sto. Tomas Police Station, hindi pa maaring pangalanan sa ngayon ang suspek ngunit natukoy na ito base sa pahayag ng testigo na nakakita mismo sa pamamaril ng bahay ng dalawang bagong halal na kagawad.

Sinabi pa ni Senior Inspector Manalo na maaaring may kaugnayan sa nakalipas na eleksyon at personal na isyu ang naganap na pamamaril.


Dahil aniya bago ang eleksyon ay nagkaroon ng pagbabanta sa buhay ni Kagawad Collado mula sa suspek.

Idinagdag pa ni Manalo na bahay lamang umano ni Kagawad Collado ang puntirya ng suspek at dinamay lamang ang bahay ni Kagawad Ulep dahil sila ay magkapartido noong nakalipas na Barangay at SK Election.

Sa ngayon ay patuloy ang PNP Sto. Tomas sa imbestigasyon upang makakuha ng sapat pa na ebidensya laban sa suspek.

Matatandaan na nitong araw ng Lunes ay pinagbabaril ang harapan ng bahay nina Barangay Kagawad Johnny Ulep at Kagawad Roselito Collado ng Barangay Biga Oriental, Sto. Tomas, Isabela at narekober sa lugar ang tig-tatlong basyo ng caliber 9mm na baril na ginamit sa pamamaril.

Facebook Comments