Suspek sa Iligal na Droga, Sugatan sa Engkwentro; Milyong Pisong Halaga ng Marijuana, Nasamsam

Cauayan City, Isabela- Sugatan ang isang lalaki matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa mga awtoridad ng isisilbi sana ang warrant of arrest laban sa kanya sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga ngayong araw, September 7, 2021.

Ayon sa ulat ng Kalinga Police Provincial Office, nakilala ang lalaking nakaengkwentro ng mga awtoridad na si Victor Guimba na residente ng Loccong, Tinglayan, Kalinga na may kinakaharap na warrant of arrest sa kasong paglabag sa RA 9165 o may kaugnayan sa iligal na droga.

Una nang nakatanggap ng impormasyon ang PNP Kalinga na isang kulay dark silver na Toyota Fortuner na may plakang VV 1195 na mula sa Metro Manila ang kasalukuyan noong nasa Tabuk City na pinaniniwalaang ito ang akusado sa pagbebenta ng iligal na droga kung kaya’t isang operasyon ang ikinasa sa posibleng ikadarakip ng akusadong si Guimba.


Sa imbestigasyon ng pulisya, nang makita nila ang sasakyan na gamit ng akusado sa Bakras, Bulanao ay kaagad nilang sinuri ang tao sa loob ng kotse at nakumpirmang si Guimba ito kung kaya’t isinilbi nila ang warrant of arrest laban sa kanya.

Gayunpaman, hindi nagawang maaresto ng mga awtoridad ang akusado matapos itong bumunot ng baril at itinutok sa mga pulis hanggang sa kumaripas palayo ang minamanehong sasakyan ni Guimba patungo sa Mapaoay, Ipil na naging dahilan ng habulan sa pagitan ng mga awtoridad hanggang sa paputukan umano ng baril ni Guimba ang mga pulis.

Kaugnay nito, hindi na nagawa pang makalayo ang akusado matapos tamaan ng bala ng baril ang gulong ng sasakyan ni Guimba dahilan para sumadsad ito sa isang palayan.

Matapos ang engkwentro, napag-alaman na nagtamo ng sugat sa katawan ang akusado na kaagad naming isinugod sa pagamutan para masuri ang kanyang sitwasyon.

Samantala, nabatid na kabilang sa listahan ng pagiging Regional Top Ten Drug Personality si Guimba.

Dagdag pa dito, inaresto rin ng mga awtoridad ang 18-anyos na lalaking kasama noon sa sasakyan ni Guimba ng Pacak, Agbannawag, Tabuk City, Kalinga.

Narekober naman ng mga awtoridad ang sampung (10) piraso ng dried marijuana bricks na nagkakahalaga ng higit sa P1 milyon; isang yunit ng caliber 9mm smith and wesson na may apat (4) na bala; dalawang hand grenade; P13, 750 cash, cellphone, bag na naglalaman ng dokumento at kanyang sasakyan.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban kay Guimba at sa kasong maaaring kaharapin ng kanyang kasama.

Facebook Comments